Tuesday, April 14, 2026

LGUs, binalaan ng DILG na bawal mag-session sa labas ng kanilang hurisdiksyon

Nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na bawal na sa local government units (LGUs) na magsagawa ng regular at special sessions sa labas ng kanilang nasasakupang hurisdiksyon.

Ayon sa DILG, ang pagsasagawa ng mga sesyon sa ibang lugar ay nagpapahina sa access ng publiko sa mga deliberasyon at desisyon na direktang nakaapekto sa kanila.

Maaari din umanong makwestyon sa tamang hukuman ang mga sesyong isinagawa sa labas ng hurisdiksyon ng isang LGU at maaring mapatawan ang mga opisyal ng administrative liability.

Gayunman, kinikilala ng DILG ang ilang limited exceptions sa extraordinary at compelling circumstances, kabilang na ang force majeure, natural o human-induced calamities, public emergencies, at seryosong banta sa kaligtasan o seguridad sa loob ng LGU.

Sa ganitong sitwasyon, ang anomang pansamantalang alternatibong lugar ng sesyon ay dapat manatiling bukas at may access para sa publiko at sa lahat ng miyembro ng sanggunian.

Dapat ding maayos na maidokumento at maisama sa opisyal na minutes ang mga naging pagdinig o proceedings.

Binigyang-diin ng DILG na ang bise gobernador o bise alkalde, bilang mga presiding officer ng kani-kanilang sanggunian, ay dapat isama sa pagbibilang ng quorum upang maiwasan ang mga isyung legal hinggil sa bisa ng mga deliberasyon at mga ipinasa na hakbang.

Sa antas ng barangay, ang punong barangay, bilang presiding officer ng Sangguniang Barangay, ay dapat ding isama sa pagtukoy ng quorum.

Facebook Comments