Ipinrusisyon ngayong Huwebes, ang mga maliliit hanggang sa malalaking replica ni Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Quiapo.
Mayroong mga banda na tumutugtog sa harap kung saan ang mga lumahok ay mula pa sa iba’t ibang lugar.
Ang ilan sa imahen ay sa ibabaw ng truck nakalagay, pero may mga naka-karosa at meron ding pasan-pasan ng mga deboto habang nakayapak.
Ayon sa Manila Police District (MPD), nasa isang libong replica ng Nazareno ang lumahok sa pagbabasbas ngayong hapon.
Nagsimula kaninang ala-1:30 ng hapon ang blessing kung saan sa datos naman ng Nazareno Command Center, sa umpisa pa lamang ay nasa 100,000 na ang crowd estimate.
Samantala, sinabi naman ni Health Secretary Ted Herbosa na magtataas sila ng code white alert sa darating na Traslacion pero sa mga lugar lamang na daraanan ng prusisyon at ‘di gaya noong nakaraang taon na buong Metro Manila.
Noong 2024, nasa mahigit 700 na deboto ang nasugatan at siyam ang dinala sa ospital sa kasagsagan ng prusisyon na dinaluhan ng mahigit anim na milyong mga deboto.