*Cauayan City, Isabela-* Nasa kamay na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isa sa suspek na pumatay sa magkapatid na tribung Lubo sa Tanudan, Kalinga matapos sumuko kahapon sa Brgy. Nambaran, Tabuk City, Kalinga.
Ito ang inihayag ni NBI Isabela Provincial Director Timoteo Rejano sa RMN Cauayan kung saan kusang sumuko sa mga elemento ng NBI ang suspek at Tribung Tulgao na si Lagasi Bocad.
Magugunita na noong Ika-tatlumpu nitong Hunyo ay pinagbabaril ni Bocad kasama ang isa pang suspek na si Junior Tayab sa magkapatid na sina Basingan at Belac Dallapas na tribong Lubo, Tanudan, Kalinga matapos bugbugin umano ng dalawang magkapatid.
kaugnay nito, sa pakikipag-ugnayan ng RMN Cauayan sa ilang mga kababayan ng magkapatid na biktima, napagkamalan lamang umano ang magkapatid na sila ang nambugbog kay Bocad.
Nagdulot umano ng malaking pangamba at ligalig sa magkabilang tribu dahil sa naganap na pamamaslang kung saan maging ang Punong Lungsod ng Baguio na si Mauricio Domogan ay pinapasuko si Bocad upang hindi na magkaroon ng mainit na hidwaan o Tribal war sa pagitan ng dalawang tribu.
Ayon pa kay NBI Provincial Director Rejano, napasuko si Bocad sa kanyang mismong bahay sa pangunguna ni Atty. Gelacio Bongngat, ang Regional Director ng NBI at inihayag rin ni NBI PD Rejano na kung hindi umano sumuko si Bocad ay mapipilitang magsagawa ang kapulisan at kasundaluhan ng Massive Manhunt laban kay Bocad.