
Iniimbestigahan na ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang pag-iimbak ng 10K litro ng diesel sa isang residential area sa Scout Castor Street, Barangay Sacred Heart.
Kasabay nito, agad ding ipinag-utos ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang pag-aalis ng naturang langis sa lote upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente sa lugar.
Sakaling mapatunayang may paglabag ang may-ari ng lote, nangako ang lokal na pamahalaan na hindi nila ito kukunsintihin, lalo’t patuloy ang pagsipa ng presyo ng langis sa bansa.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan ng Quezon City sa Department of Energy (DOE), BFP, at Quezon City Police District upang agad na matukoy kung may paglabag sa batas, patakaran, at regulasyon ang may-ari ng lote.
Samantala, hinimok ng lokal na pamahalaan ang publiko na iulat sa Quezon City Helpline 122 ang anumang kahina-hinala o ilegal na aktibidad na maaaring magdulot ng panganib at makaapekto sa kaligtasan ng mga residente.










