LSI at Returning OFWs, Hindi Papayagang Makauwi ng Walang Negatibong resulta ng RT-PCR Test

Cauayan City, Isabela- Ipinag-utos ngayon ni Mayor Josemarie Diaz ng City of Ilagan na alisin na ang pagsasailalim sa ‘lockdown’ sa Purok 7 Brgy. Alibagu matapos magnegatibo ang resulta ni CV60 na una nang nagpositibo sa coronavirus 2019.

Batay sa facebook post, sinabi ng alkalde na muling ibabalik sa General Community Quarantine ang lugar dahil nagkaroon na rin ng negatibong resulta ang mga direktang nakasalamuha ng nasabing pasyente.

Samantala, kasalukuyan pa rin na nakasailalim sa isolation facility ang tatlong (3) Ilagueño na nagpositibo sa sakit na nagpapagaling ngayon.


Giit pa ni Diaz, hindi papapasukin sa lungsod ang mga Locally Stranded Individuals at Returning OFWs na walang negatibong resulta ng RT-PCR test maging ang anti-body rapid test.

Ipinunto pa nito na sakaling payagan man na makapasok sa lungsod ang mga ito ay kinakailangan pa rin na sumailalim sa panibagong pagsusuri bago makapiling ang kani-kanilang pamilya.

Hiniling naman ng alkalde sa publiko na mangyaring sundin pa rin ang ipinapatupad na polisiya para makaiwas sa banta ng nakamamatay na sakit.

Facebook Comments