LTFRB: Traditional jeep at UV express, balik-pasada sa susunod na linggo

FILE PHOTO FROM FLICKR

Pahihintulutan nang pumasada sa susunod na linggo ang mga tradisyonal na jeep at UV Express, ayon sa pinuno ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sa pagdinig ng Kongreso nitong Miyerkoles, tinanong ni Caloocan City Congressman Edgar Erice si LTFRB Chairman Martin Delgra kung kailan puwedeng bumalik sa lansangan ang mga nasabing pampublikong sasakyan.

“Next week for both UV and traditional jeepneys For Monday, may bubuksan na mga UV, and then followed by the traditional jeepney,” tugon ni Delgra.


Halos tatlong buwan natigil ang operasyon ng iba’t-ibang mass transportation sa Pilipinas, partikular na sa Metro Manila, bilang parte ng lockdown measures na ipinatupad ng gobyerno upang maiwasan ang paglaganap ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Bumalik naman ang biyahe ng mga bus, modern jeepneys, at train simula nang pairalin ang general community quarantine nitong Hunyo.

Kamakailan ay nagbanta ang isang grupo ng jeepney operators na susunugin at ibabalabag ang kanilang mga unit kung magpapatuloy pa rin ang pambabalewala ng gobyerno.

Matatandaang napilitan ang ilang tsuper na mamalimos sa kalsada para matugunan ang pangangalam ng sikmura.

Facebook Comments