Inatasan ni Committee on Public Services Chairman Senator Grace Poe ang Land Transportation Office (LTO) na bumuo ng ‘catch-up plan’ na siyang tutugon sa milyun-milyong backlog ng mga plaka ng sasakyan.
Dismayado ang senadora dahil hanggang ngayon ay mga motorista pa rin ang pinahihirapan sa kakulangan ng plaka sa kabila ng pagbabayad nila nang tama para dito.
Giit ni Poe, parusa na ngang maituturing ang pagpila ng matagal sa pagpaparehistro o renewal, mas lalo pa ang pag-uwi ng walang plaka.
Dahil dito, pinaglalatag ni Poe ang LTO ng plano para maresolba na sa lalong madaling panahon ang problema.
Kailangan aniyang resolbahin na ng gobyerno ang ganitong problema at papanagutin ang kanilang private providers na bigong tumugon sa kanilang responsibilidad.
Ipinaalala pa ng senador na nagdudulot ng panganib sa seguridad ang kawalan ng plaka ng behikulo bukod pa sa hindi ito makatarungan sa mga nagbayad ng kanilang plaka.