Mariing kinondena ng Integrated Bar of the Philippines ang lumalalang ‘lawyer killings’ sa bansa.
Kasunod ito ng pamamaril kay Atty. Juan Macababbad ng South Cotabato sa tapat mismo ng kaniyang bahay.
Ayon kay IBP President Burt Estrada, sadyang nakakabahala at nakakadismaya ang sunod-sunod na pamamaslang sa mga lawyers, judges at prosecutors.
Giit ni Estrada, dapat ay malayang nakakakilos ang mga abogado nang walang takot at nakaambang karahasan.
Dahil dito, nanawagan ang IBP ng ‘nationwide effort’ para protektahan ang mga nasa legal na propesyon mula sa mga banta, pag-atake at pamamasalang.
Samantala, patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng IBP sa Supreme Court, Department of Justice, National Bureau of Investigation at Philippine National Police para panagutin ang mga nasa likod ng mga naganap pag-atake.