Inisyatiba ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang pagtunton at pag-iimbestiga sa mga luxury car na hinihinalang konektado kay dating Congressman Zaldy Co.
Ito ay matapos kumpiskahin ng Bureau of Customs (BOC) at iba pang awtoridad ang ilang mamahaling sasakyan sa Bonifacio Global City (BGC), Taguig, noong gabi ng January 8.
Ayon kay ICI Special Investigator Gen. Rodolfo Azurin Jr., personal siyang nagsilbi ng search warrant at kasama sa pagkumpiska ng mga naka–bulletproof na luxury vehicle na iniuugnay kay Co.
Ani Azurin, kinumpiska ang mga sasakyan noong holiday season matapos ang beripikasyon mula sa Land Transportation Office (LTO).
Pasya umano ng ICI na i-tap ang BOC, na siya namang humingi ng search warrant mula sa korte sa Maynila. Dito lumabas na may kakulangan sa import documents at may paglabag sa pagbabayad ng buwis ang mga sasakyan.
May posibilidad din umanong may kaugnayan ang mga sasakyan sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa flood control anomaly.
Batay sa ulat, walo sa siyam na sasakyang may search warrant mula sa korte sa Maynila ay kinabibilangan ng Rolls-Royce, Toyota Sequoia, Cadillac Escalade, Lexus, at Mercedes-Benz.
Tinatayang aabot sa P145 milyon ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang sasakyan.
Matatandaang noong January 9, mismong araw ng Pista ng Nazareno, dinala ang mga mamahaling sasakyan na iniuugnay kay dating Rep. Zaldy Co sa tanggapan ng ICI sa Taguig City.










