*Cauayan City, Isabela*- Nilinaw ng Lokal na Pamahalaan ng Ilagan City sa kumakalat na social media post na nagbigay na umano ng tulong pinansyal sa ilalim ng social amelioration program ng gobyerno.
Ayon kay General Services Officer Ricky Laggui ng LGU-Ilagan, posibleng intensyon na paasahin ang tao na may natanggap na ang ilang residente gayong wala pa naman talagang ibinababang pondo ang national government.
Paliwanag pa ni Laggui na pekeng account ang nasabing source ng impormasyon na kumakalat sa social media na di umano’y nakatanggap na ng P8,000.00 dahil wala rin katotohanan na ang region 2 ay makatatanggap ng nasabing halaga kundi P5,500.00 lamang.
Giit pa ng opisyal na nagsisimula pa lamang sila na mangalap ng mga impormasyon sa bawat pamilya kaugnay sa pamamahagi ng cash assistance bunsod ng umiiral na Enhanced Community Quarantine.
Paalala naman ng LGU Ilagan sa publiko na huwag basta basta maniwala sa nakikita sa social media kundi iberipika upang makaiwas sa fake news.