Maayos at tuluy-tuloy na supply ng kuryente sa vaccine storage facilities, tiniyak ng DOE

Muling inulit ng Department of Energy ang direktiba nito sa local power stakeholders na tiyaking mayroong “reliable” at “stable” na supply ng kuryente sa mga cold storage facilities kung saan nakaimbak ang mga sensitibong COVID-19 vaccines.

Nabatid na nasa 348 vials ng Sinovac vaccines ang naapektuhan ng power outage sa bayan ng Makilala, North Cotabato.

Ang Sinovac vaccines ay nangangailangan ng 2 hanggang 8 degrees Celsius na temperatura.


Iginiit ni Energy Secretary Alfonso Cusi na hindi na dapat maulit ang mga ganitong insidente.

Hindi maaaring magpabaya at madiskaril ang nagpapatuloy na vaccination efforts ng pamahalaan.

Aniya, inabot ng dalawang araw bago nalaman ng mga trabahador na ang freezer na ginamit kung saan nakaimbak ang mga Sinovac vaccines ay hindi gumagana.

Ang Electric Power Industry Management Bureau (EPIMB) at Task Force on Energy Resiliency (TFER) ay nagtutulungan na para magsagawa ng “safeguard approach” na layong tiyakin ang power services sa vaccine storage at administration sites.

Ang DOE ay maglalabas ng paalala sa mga electric cooperatives at Local Government Units (LGUs) patungkol sa protocol sakaling magkaroon ng kaparehas na insidente.

Facebook Comments