Saturday, February 14, 2026

Madalas na random checks sa mga ambulansyang nasa kalsada, ipinanawagan ng isang senador

Hiniling ni Senate President pro-tempore Ping Lacson ang mas madalas na random checks sa mga ambulansyang nagpapanggap na may emergency lalo na tuwing rush hours.

Kaugnay na rin ito sa isang ambulansyang dumaan sa EDSA Busway sa may Santolan station na pinara ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation ng DOTr pero batay sa lumabas na imbestigasyon, hindi pang-emergency na gamit ang ambulansya kundi bilang shuttle service sa mga pasahero na magpapacheck up.

Giit ni Lacson, ang mga drivers ng ambulansya na wala namang sakay na emergency patient ay dapat na hulihin, bawiin ang lisensya at kasuhan kung kailangan.

Ang mga ganito aniyang sasakyan na gumagamit ng malalakas na wang-wang ay hindi lamang nakakainis kundi pwede ring magdala ng panganib sa mga commuters.

Nauna na ring nagmungkahi si Lacson na baligtarin ang direksyon ng mga bus na dumaraan sa EDSA busway upang maiwasan na maabuso ng mga sasakyang magtatangkang dumaan sa naturang lane.

Facebook Comments