
Isiniwalat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na inalok umano siya at ang kaniyang kapatid na si Ombudsman Jesus Crispin Remulla ng ₱1 bilyon kapalit ng pananahimik sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng mga flood control project.
Ayon sa kalihim, agad nilang tinanggihan ang alok na nagmula umano sa isang mutual friend ng mga personalidad na idinadawit sa flood control scandal.
Naganap umano ang tangkang panunuhol sa isang pribadong pulong dalawang linggo na ang nakalipas.
Kuwento ni Remulla, hinikayat siya ng kaibigan na maghinay-hinay sa imbestigasyon upang maiwasan umanong makasuhan ang ilang sangkot.
Sa kasalukuyan, 26 na indibidwal na ang kinasuhan kaugnay ng flood control scandal. Kabilang dito ang 16 na may kaugnayan sa ₱289.5 milyong proyekto sa Occidental Mindoro at 10 na may kaugnayan sa ₱96.5 milyong proyekto sa Davao Occidental.
Kasama sa mga kinasuhan sina dating House Appropriations Committee Chair at resigned Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, na hanggang ngayon ay hindi pa rin natutunton, kasama ang pitong iba pang akusado.










