Cauayan City, Isabela- Arestado ang isang magsasaka matapos itong magwala at magpaputok ng kanyang baril sa gitna ng ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine sa Brgy. Antagan 1st, Tumauini, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj. Rolando Gatan, hepe ng pulisya, kinilala nito ang suspek na si Rodolfo Ferrer, 28 taong gulang, binata, magsasaka at residente ng Antagan 1st Tumauini, Isabela.
Una rito, dakong alas 11:30 kagabi nang magwala at magpaputok ng barail ang suspek na nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin.
Pumukaw naman ito sa atensyon ng mga barangay officials na nag-iimplimenta ng Enhanced Community Quarantine sa lugar kaya’t agad nila itong nirespondehan na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.
Nakumpiska sa pag-iingat ng suspek ang isang Caliber 22 rifle na may 9 na bala at isang itak.
Agad itong dinala sa himpilan ng pulisya maging ang mga nakumpiskang item para sa tamang disposisyon.
Ayon pa kay PMaj Gatan, matagal nang problema sa barangay ang naturang suspek dahil sa panggugulo nito at nagkaroon na rin ng unang kaso ng pananaksak.
Nahaharap ngayon sa kasong Alarms and Scandal at paglabag sa RA 10591 ang suspek.