
Nasabat ng mga awtoridad ang isang inbound parcel na naglalaman ng mahigit 2.3 kilograms ng hinihinalang ectasy na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit 10 milyong piso sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa kahabaan ng Domestic Road, Pasay City kahapon.
Kinilala ang naarestong foreign national na si alyas “Olu”, 37 years old at isang US citizen matapos magpakita sa CMEC bilang awtorisadong representative sa pagkuha ng nasabing parcel.
Narekober ang ilegal na droga na nakatago sa loob ng iba’t ibang food packages pati na ang 942 piraso ng durog na pink tablets na hinihinalang isang ‘di kilalang droga.
Ayon sa pulisya, nagmula ang nasabing parcel sa Vancouver, Canada kung saan dineklara ito na naglalaman ng iba’t ibang pagkain, toiletries, candies, cereals, clothing, at iba pang gamit.
Ang nasabing nakumpiskang ebidensya ay isinumite sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Laboratory Service para sa forensic examination habang ang naarestong indibidwal ay isasailalim sa imbestigasyon at nahaharap sa kasong paglabag sa RA9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.










