Kinumpirma ng pamunuan ng Bureau of Correction (BuCor) na pumalo na sa 357 Persons Deprived of Liberty (PDL) na nakapagtapos ng kanilang hatol ang pinalaya sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City ngayong araw.
Sinabi ni BuCor Director General OIC Gregorio Pio Catapang Jr., na ang mga pinalaya ay 102 ang mula sa New Bilibid Prison, 22 mula sa Correctional Institution for Women at 233 ang mula sa Operating Prison Penal Farm.
Paliwanag pa ni Catapang na sa nabanggit na bilang na 235 na nagsilbi sa kanilang mga termino sa bilangguan, maximum served 122 ang Parole.
Pinangunahan nina Justice Secretary Jesus “Crispin” Remulla, Public Attorney’s Office Chief Persida Acosta at BuCor OIC Director General Gregorio Catapang Jr., ang pamamahagi ng Certificate of Discharge from Prison o Release Order sa 357 PDL.
Ito ang pangalawang pagkakataon ng pagpapalaya sa mga PDL sa ilalim ng administrayon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Dagdag pa ni Justice Secretary Jesus “Crispin” Remulla, mayroon pang 318 pardon application si Pangulo Marcos Jr., na pinoproseso sa ngayon.
Lumabas sa talaan ng BuCor na mula Enero 1 hanggang Septyembre 2022, ang Bureau of Correction ay nagpalaya ng kabuuang 4,832 PDL.