Cauayan City, Isabela- Malaki umano ang ibinaba ng kasong naitala may kaugnayan sa COVID-19 sa buong lalawigan ng Cagayan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay CVMC Chief Dr. Glenn Mathew Baggao, malaki rin ang ibinaba ng mga kumpirmadong kaso sa Tuguegarao City.
Aniya, dati ay lagpas sa isang libong bilang ng kataong tinamaan ng virus ang naitala sa buong lalawigan ngunit ngayon ay bumaba na ito.
Kinumpirma rin ni Dr. Baggao na malaki ang nabawas na bilang sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19 na nasa kanilang pangangalaga kung saan nananatili na lamang sa 159 ang kanilang binabantayang pasyente.
Mula sa nasabing bilang, 147 ang confirmed cases na kinabibilangan naman ng 110 mula sa Cagayan na nasa kanilang pangangalaga habang 31 naman sa Isabela
Kaugnay nito, 12 ang suspect patients na kasalukuyan pa rin na hinihintay ang resulta ng kanilang pagsusuri.
Samantala, inoobserbahan rin sa kanilang pagamutan ang iba pang pasyente mula naman sa ibang mga probinsya gaya ng Apayao na may dalawang kaso, Tabuk City na may tatlo habang isa naman ang sa lalawigan ng Batanes.
Matatandaan na nakapagtala pinakamataas na pasyenteng binabantayan ang CVMC noong buwan ng Hulyo kung saan kasagsagan ng pananatili ng mga pasyente sa kanilang mga sasakyan.