Muling iginiit ng Malaysian-owned company na sinalakay ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa Bagac, Bataan nitong Oktubre na legal ang kanilang operasyon.
Sa isang pahayag, mariing itinanggi ng Central One Bataan PH Inc., ang anila’y walang basehan na akusasyon ni suspended PAOCC Spokesperson Winston Casio ukol sa umano’y underground banking, crypto currency, scams at online gambling na kinasasangkutan ng kompanya.
Ipinunto rin nito na hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nasasampahan ng anumang kaso kahit mahigit isang linggo na ang nakalilipas simula nang ikasa ang raid noong October 31.
Sa halip, naglipana anila ang protesta ng mga empleyado ng kompanya bilang pagsuporta sa kredibilidad nito bilang isang Business Process Outsourcing (BPO).
Inilarawan din ng Central One na ‘overkill’ o kalabisan ang ginawang pagsalakay dahil sa pagdadala ng armas at battle gear ng mga awtoridad.
Tiniyak naman ng kompanya na nakipag-uugnayan na sila sa mga kaukulang ahensya upang kumalap ng mga dokumentong magpapatunay na hindi sila POGO.
Una nang sinabi ni PAOCC Executive Director Undersecretary Gilbert Cruz na gumugulong pa ang imbestigasyon ukol sa nadiskubreng online betting platform na Winbox na umano’y ginagamit ng kompanya.
Paliwanag ng PAOCC, hindi rehistrado sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang nasabing platform at ipinagbabawal din ito sa iba pang mga bansa.