Malnutrisyon, nananatiling seryosong problema sa Pilipinas

Ngayong National Nutrition Month ay napahayag ng pagkabahala si AnaKalusugan Partylist Rep. Ray Reyes sa pananatili ng malnutrisyon bilang seryosong problema sa Pilipinas.

Ikinalungkot ni Reyes na bukod sa pagkagutom ay hindi rin abot-kaya ng lahat ang presyo ng mga masustansyang pagkain sa bansa.

Sabi ni Reyes, patunay nito ang datos ng National Nutrition Council na nasa 35 percent o apat sa kada sampung pamilyang Pilipino ang hindi nakakakain ng masustanyang pagkain.


Bunsod nito ay isinulong ni Reyes ang House Bill No. 2189, o Zero Hunger bill na layuning matuldukan ang pagkagutom sa bansa pagsapit ng 2030.

Nakapaloob sa panukala ang paglikha ng Commission on the Right to Adequate Food na syang mangunguna sa paglalatag ng mga polisya at gaganap bilang coordinating body ng lahat ng hakbang para resolbahin ang pagkagutom at iba pang kaugnay na isyu.

Binanggit ni Reyes na target ng komisyon na garantiyahan ang matatag na suplay ng masustansang pagkain at tiyakin na abot-kaya ng lahat ng mga Pilipino ang presyo nito.

Umaasa si Reyes na maipapasa agad ang nasabing panukala lalo at umaayon ito sa pagsisikap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na makamit ang food security sa ating bansa.

Facebook Comments