Manila, Philippines – Handa na ang buong pwersa ng Philippine Coast Guard para tiyakin ang seguridad sa Manila Bay at Pasig River kaugnay ng prusisyon ng replica ng poong Nazareno mamaya.
Ayon kay PCG-NCR District Commander Rolando Punzalan – magdedeploy sila ng 31 floating assets katuwang ang PNP maritime group, Red Cross, MMDA at Philippine Coast Guard auxiliary.
Kasama na rito ang BRP Boracay at BRP Panglao na nakapuwesto sa Manila Bay na siyang magsisilbing command post at medical evacuation post sakaling magkaroon ng emergency at hindi madaanan ang mga kalsada.
Sakay naman ng mga rubber boat at small crafts ng PCG, Red Cross at MMDA ang mga medical personnel na aayuda sakaling may malaglag sa Jones Bridge.
Nakipag-ugnayan na rin sila sa Manila Police District para bantayan ang tulay sa mga batang nagtatalunan habang dumaraan ang Poong Nazareno.
Magsasagawa naman ng random inspection sa mga barko sa Pasig River at sa mga bankang dumaraan dito.
Nakaantabay na rin sa PCG headquarters ang mga dagdag na pwersa ng PCG, mga k9 units, rescue and quick reaction team.