Handang-handa na ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa inilunsad na Chikiting Ligtas Immunization Program ng Department of Health (DOH) mula ngayong araw hanggang May 31, 2023.
Sa abiso ng Manila Local Government Unit (LGU), isasagawa ang pagbabakuna sa 44 na health centers sa Maynila.
Ito’y para mabakunahan ang mga batang wala pang limang taong gulang laban sa tigdas, rubella, at polio.
Bukod sa mga health center, maaari ding magtungo sa Robinsons Otis, Robinsons Manila, Lucky Chinatown, at SM San Lazaro mula Lunes hanggang Linggo, mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon ang mga magulang para maturukan ng bakuna ang kanilang mga anak.
Lunes hanggang Biyernes naman maaaring magpabakina ang mga bata sa SM Manila sa parehong oras.
Nabatid na napagdesisyunan ng lokal na pamahalaan ng Maynila na isagawa rin ang Chikiting Ligtas Immunization Program sa mga mall upang maging convenient ito sa mga bata partikular sa mga sanggol lalo na’t mainit ang lagay ng panahon.
Kaugnay nito, hinihimok ng Manila Health Department ang mga magulang na samantalahin na ang pagkakataon na matutukan ng bakuna ang kanilang mga anak upang maging ligtas sa tigdas, rubella, at polio.