Paiigtingin ang pagpapatupad ng disiplina at kaayusan ng Dagupan City Police Office sa lungsod kasunod ng direktiba ni dilg secretary jonvic remulla, ayon sa anunsyo ng lokal na pamahalaan at kapulisan.
Ayon sa mga awtoridad, layunin ng hakbang na ito na mas mapalakas ang seguridad at mapanatili ang kaayusan sa iba’t ibang barangay, lalo na sa mga pampublikong lugar kung saan madalas nagkakaroon ng paglabag sa ordinansa.
Kabilang sa mga ipatutupad na alituntunin ang mahigpit na pagbabawal sa pag-inom ng alak sa kalsada at iba pang pampublikong lugar, gayundin ang mas pinaigting na curfew para sa mga kabataan upang maiwasan ang paglabag sa batas at posibleng kapahamakan sa gabi.
Mahigpit ding ipagbabawal ang paglalakad nang walang damit pang-itaas o topless sa labas ng bahay bilang bahagi ng pagpapanatili ng kaayusan at disiplina sa komunidad. bukod dito, hindi na rin papayagan ang paggamit ng videoke lampas alas-diyes ng gabi maliban kung may kaukulang permit, upang maiwasan ang ingay at abala sa mga residente.
Ipinaliwanag ng mga opisyal na ang mga hakbang na ito ay bahagi ng mas pinalakas na kampanya laban sa mga paglabag sa ordinansa at upang masigurong ligtas at maayos ang kapaligiran para sa lahat.
Samantala, pinaalalahanan ang publiko na makipagtulungan sa mga ipinatutupad na patakaran at agad i-report ang anumang paglabag sa Philippine National Police sa dagupan city sa mga hotline na 0998-598-5121 at 0933-502-4899.
Inaasahan ng lokal na pamahalaan at kapulisan ang aktibong pakikilahok at disiplina ng bawat mamamayan upang maisulong ang isang ligtas, tahimik, at maayos na pamayanan sa lungsod. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








