
Nagkalat na ang mas maraming pwersa ng Philippine National Police (PNP) mula sa Southern Police District sa loob at labas ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) kasunod ito ng pagdagsa ng mas maraming mga pasahero ngayong Semana Santa.
Pagpasok pa lang ng mga pasahero ay masusing ininspeksyon ang mga bagahe sa pamamagitan ng manual inspection at metal scanner.
Simula April 9 hanggang kahapon ay umabot na sa 177 ang kabuang bilang ng mga nakumpiskang ipinagbabawal na gamit, pinakamarami ang lighter, sumunod ang kutsilyo at iba pang matatalas na bagay.
Paalala ng PITX sa mga pasahero na huwag nang magdala ng mga ipinagbabawal na gamit, bukod sa lighter, kutsillo at gunting ay mahigpit na ipinagbabawal din ang pagdadala ng kahit anong flammable na gamit pati LPG tank.
Bukod sa mga nakumpiskang gamit ay wala pa namang naiiuulat na kahit anong untoward incident sa loob ng terminal.
Tuloy-tuloy rin ang pag-iikot ng PNP kasama ang mga security personnel ng PITX para magbigay ng paalala sa mga pasahero na ingatan ang kanilang mga dala-dalang gamit.
Nagtalaga naman ng mga help desk ang pamunuan ng PITX na maaring lapitan ng mga pasahero na matatagpuan sa bawat gates ng terminal.