Nakaugalian na ng maraming Pilipino na maglabas at magsabit ng mga palamuti para sa Pasko pagsapit pa lamang ng Setyembre, unang -Ber month. Kaya naman minsan ay nagpapang-abot pa ang mga ito sa dekorasyon na para sa Holloween.
Pero hindi dapat ikahiya o tawanan ang ganitong gawi dahil sinasabi ng siyensya na indikasyon ito ng pagiging mas masayahin sa buhay.
Bagaman maraming posibleng dahilan kung bakit maagang nagkakabit ng Christmas decors ang isang tao, kadalasan ay para raw sa hampas ng nostalgia–o ang pakiramdam na dulot ng pag-alala sa nakaraan, ayon sa psychoanalyst na si Steve McKeown.
Sa mundong puno ng problema at pagkabahala, isa ang Pasko sa mga maaaring magpaalala sa tao ng pakiramdam ng pagkabata–panahong mabuti pa sa atin ang mundo at maliliit na bagay pa lamang ang inaalala natin.
Ibinabalik ng mga dekorasyong ito, ayon pa rin kay McKeown, ang magic ng nakaraan, lalo na ang emosyon at pagkasabik ng pagiging bata.
Bukod sa pakiramdam ng pagiging bata muli, maaari rin daw na maging paraan ito para pagnilayan at bumawi sa mga nakaraang kabiguan.
Ganito rin ang paliwanag ng psychotherapist na si Amy Morin na nagsabing paraan ito ng ilan para muling alalahanin naman ang mga nawala nilang mahal sa buhay.
Mas maagang paglalagay ng dekorasyon, mas mahabang panahon ng pag-alala!
Sinasabi rin sa Journal of Environmental Psychology na ang mga taong mahilig magpalamuti maging sa labas ng kanilang bahay ay lumalabas na mas palakaibigan.
Kaya paano kung naglalagay lang pala ang iba ng dekorasyon para magmukhang mabait? Hmm.
Marami pang maaaring dahilan kung bakit maagang nagkakabit ng Christmas decor ang isang tao, ngunit anu’t-ano pa man, ang mahalaga’y isabuhay ng bawat isa ang diwa ng Kapaskuhan!