Cauayan City, Isabela- Pinuri ni Mayor Gabino Ganggangan ng Sadanga, Mt. Province ang ilang nagawa ng Administrasyong Duterte sa mga nakalipas na taon nito bilang Pangulo ng Pilipinas.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa alkalde, ilan sa ipinagmamalaki nito ang kampanya kontra sa iligal na droga, insurhensiya laban sa CPP-NPA at ang mahigpit na kampanya laban sa korapsyon sa mga ahensya ng gobyerno. Para sa kanya, epektibo umano ang mga programang ipinatupad ng administrasyon sa ilalim ng NTF-ELCAC at ang istilo nito sa pananalita laban sa kanyang mga kritiko.
Samantala, pinatutsadahan din ng alkalde si Senator Franklin Drilon kaugnay umano sa sinasabing “pork barrel” lang ang P20 milyon na pondong ilalaan sa Barangay Development ng NTF-ELCAC kung saan matagal ng kinontra ng nasabing senador.
Hindi rin nakaligtas sa alkalde ang mga miyembro ng Cordillera Peoples Alliance dahil sa patuloy umano ang pagtanggi ng mga ito na sila ang front organization ng makakaliwang grupo para makapanghikayat ng mga aanib sa rebeldeng grupo.
Hiniling naman ni Ganggangan sa Pangulo na maisama sa kanyang agenda para sa kanyang huling taon ang maendorso at masertipikahan ang pangangailangan ng Cordillera Autonomous Government.
Matagal na umanong nais ng Cordillera na maging Autonomous na ang rehiyon kung saan kailangan na tuluyang masertipikahan ng Pangulo para maisalang na ito sa kongreso.