Tiwala si Senator Panfilo “Ping” Lacson na ang medical leave ni Budget Secretary Wendell Avisado ay hindi makakaantala sa pagsusumite ng Malacañang sa Kongreso ng National Expenditure Program o panukalang pambansang budget para sa susunod na taon.
Diin ni Lacson, maraming mahuhusay at may kakayanan na career undersecretaries at assistant secretaries sa Department of Budget and Management (DBM).
Ayon kay Lacson, sa pamamagitan ng makabagong telecommunication technology ay magagawa pa rin ng mga taga-DBM ang kanilang trabaho ng may guidance at direction ni Secretary Avisado.
Alinsunod sa konstitusyon ay dapat maisumite ang proposed national budget sa Kongreso sa sa loob ng 30 araw matapos ang State of the Nation Address (SONA) ng pangulo noong July 26.
Naniniwala rin si Lacson na hindi makaka-apekto sa pagsasagawa o pagsisimula ng committee hearings ukol sa 2022 budget ng House Appropriations at Senate Committee on Finance ang pagbabakasyon ni Sec. Avisado.