Mega job fair ng PESO Parañaque katuwang ang DZXL Radyo Trabaho, dinagsa!

Dinagsa ng mga job seekers ang kauna-unahang mega job fair ng Public Employment Service Office (PESO) ng lokal na pamahalaan ng Parañaque katuwang ang DZXL Radyo Trabaho.

Sa pagbubukas pa lamang ng nasabing job fair, nasa higit 300 aplikante ang pumila at umaasang makakahanap ng trabaho.

Dumalo sa nasabing aktibidad si Mayor Eric Olivarez kasama ang mga opisyal ng Parañaque City LGU kung saan bumisita rin sa mega job fair OWWA Administrator Arnell Ignacio.


Ayon kay Parañaque City PESO Assistant Manager May Martin, layunin ng ikinasa nilang aktibidad ay upang mabigyan ng trabaho ang mga residente nila na nawalan o natapos na ang kontrata sa mga pinapasukan kompanya matapos ang holiday season.

Aniya, nasa 60 kumpaniya at mga agency ang kanilang inimbitahan na lumahok sa naturang job fair nasa higit 1,000 bakateng trabaho ang inaaalok ng mga ito.

Kabilang sa mga bakanteng trabaho na maaring applyan ay delivery rider, merchandiser, helper, cashier, kitchen staff, waiter, carpenter, laborer, electrician, service crew, team leader, area manager at marami pang iba.

Nagsimula ang mega job fair ng alas-10:00 ng umaga at magtatagal ito hangga’t may mga aplikante na dumarating kung saan maaari rin magrungo dito ang mga aplikante na hindi taga-lungsod ng Parañaque.

Nagpapasalamat naman ang Parañaque City PESO sa pagpunta ng DZXL Radyo Trabaho dahil sa suporta at paggabay upang magkaroon ng hanapbuhay ang kanilang mga residente.

Facebook Comments