Menor de Edad na Biktima ng Human Trafficking, Narescue!

Cauayan City Isabela – Nabawi ng pinagsanib na pwersa ng PNP Cauayan at PNP Kiangan Ifugao ang isang menor de edad matapos dalhin umano ng kanyang trafficker sa isang bahay aliwan sa nasabing lugar.

Sa panayam ng RMN Cauayan News Team kay PCR/PSI Esem Galiza ng PNP Cauayan, Enero 4, 2018 ng magreport sa Cauayan City Police Station ang isang ginang tungkol sa pagtangay umano ng isang recruiter sa kanyang anak na pinangakuan ng trabaho sa Lagawe Ifugao.

Agad namang nakipag-ugnayan si PSI Galiza sa hepe ng PNP Lagawe upang tiyakin kung doon nga ba nakabase ang sinasabing bar na papasukan ng biktima.


Negatibo ang naging resulta ng imbestigasyon kung kayat nakipag-ugnayan naman sa PNP Kiangan si PSI Galiza kung saan nakumpirmang doon nakabase ang sinasabing bar.

Sa tulong ng isang police asset, dakong alas 9 ng umaga ng Enero 5 natiyak ang kinaroroonan ng biktima na siya namang naging hudyat upang ikasa ng Cauayan PNP, sa pangnguna ni PSI Galiza, ang gagawing pag-rescue kasama ang tropa ng SWAT at mga kawani ng CSWD.

Pagdating sa sinasabing bahay aliwan, nabawi ng mga pulis ang biktima kung saan huli rin ang kanyang trafficker na pawang taga Cauayan City Isabela rin.

Patuloy na iniimbestigahn ngayon ng PNP Kiangan ang suspek upang masampahan ng kaukulang kaso.

Payo naman ni PSI Galiza sa mga magulang na panatilihin ang magandang ugnayan sa mga anak, ipaalala ang mga limitasyon, at ipakita pa rin sa kanila ang kabutihang dulot ng pagsunod sa mga magulang.

Facebook Comments