Gamu, Isabela – Isang menor de edad na kasapi ng NPA ang mismong sumuko sa 77th Infantry Battalion at sa Mountain Province Police Provincial Office noong araw ng sabado, ika-dalawampu’t walo ng Abril taong kasalukuyan.
Ang sumuko ay itinago sa pangalang “Ka treyse”, disi sais anyos at residente ng barangay Bontoc Ili, Bontoc, Mountain Province.
Batay sa impormasyong natanggap ng RMN Cauayan, sa kwento ni “Ka treyse”, siya ay nirecruit ng isang Commander na nagngangalang Joshua sa may Paracelis, Mountain, Province noong siya’y nasa labing apat na taong gulang pa lamang na sumapi sa kanilang grupo.
Ayon sa mga sundalo at pulis na nagbabantay sa naturang barangay, nakita nila na bigla na lamang natumba ang menor de edad kaya’t agad nila itong dinala sa pagamutan.
Nang magkaroon na ng malay si “Ka Treyse” sa pagamutan ay dito na nya mismo ibinunyag na siya ay kasapi ng NPA at tumakas lamang ito sa kanyang grupo dahil sa kanilang pang-aabuso.
Aniya, balak mismo nitong sumuko sa mga alagad ng batas.
Isinuko naman ng menor de edad ang apat na cellphone, mga subersibong dokumento, tatlong bala ng M16 Rifle, pera at isang notebook.
Samantala, maigting naman na sinabihan ni Major General Perfecto M. Rimando Jr. ng 5th Infantry Division,ang mga mamamayan lalo na sa mga kabataan na huwag sumapi sa mga makakaliwang grupo dahil sila mismo ang nang-aabuso sa kanilang mga kasamahang babae.