MENTAL HEALTH SUPPORT SA MGA SUNDALO NG 5TH ID, ISUSULONG KASAMA ANG ISABELA STATE UNIVERSITY

Cauayan City – Isusulong ng 5th Infantry Division ng Philippine Army at Isabela State University-Echague Campus ang kanilang pagtutulungan para suportahan ang mental health ng mga sundalo sa pamamagitan ng isang Memorandum of Understanding (MOU).

Nilagdaan nina ISU President Ricmar Aquino at 5th Star Division Commander Major General Gulliver Señires ang kasunduan kasabay ng Multi-Sector Advisory Board (MSAB) Meeting sa Camp Melchor Dela Cruz.

Sa ilalim ng programang “Beyond the Battle Field: Military Mental Health Resilience Program,” bibigyan ng sapat na impormasyon at libreng serbisyo ang mga sundalo upang matulungan silang harapin ang stress ng kanilang trabaho.


Layunin nitong palakasin ang kanilang kakayahang matukoy at harapin ang stress upang mapanatili ang kanilang mental well-being.

Ayon sa mga pag-aaral, maraming sundalo sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang nakakaranas ng Post-Traumatic Stress Disorder (PTSD), lalo na ang mga lumahok sa matitinding labanan.

Sinabi ni Major General Señires na malaking tulong ang programang ito upang mas magampanan ng kanilang mga sundalo ang tungkuling mapanatili ang kapayapaan sa kanilang nasasakupan.

Nagpasalamat naman si Dr. Aquino sa 5th ID sa tiwalang ipinagkaloob sa ISU upang maisagawa ang stress debriefing para sa mga sundalong nangangailangan ng mental health support.

Facebook Comments