SASAKYAN, BIGLANG NAGLIYAB; APAT NA MOTORSIKLO, NADAMAY

CAUAYAN CITY – Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cagayan sa maaaring sanhi ng biglaang pagliyab ng isang sasakyan sa lungsod ng Tuguegarao na nagresulta sa pagkadamay ng 4 na motrsiklo.

Ayon sa ulat ng BFP Cagayan, naganap ang insidente noong ika-30 ng Marso kung saan base sa kanilang inisyal na pagsisiyasat, nagpag-alaman na tinatahak umano ng hindi na pinangalanang drayber ng naturang sasakyan ang kahabaan ng Luna Street pauwi ng Ugac Sur.

Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente, napansin umano ng drayber na umuusok ang harapan ng kanyang sasakyan, at bigla na lamang itong huminto at mabilis na lumiyab dahilan upang kaagad na lumabas ang driver.

Mabilis namang kumalat ang apoy dahilan upang madamay ang apat na motorsiklo na nakaparada malapit dito.

Sa kabutihang palad, walang indibidwal ang nasaktan o nasugatan sa nabanggit na sunog.

Samantala, tinatayang aabot naman sa P150,000 ang iniwang pinsala ng nangyaring sunog.

Facebook Comments