Sisilipin ng Senado ang tila nauuso ngayon na paghingi ng ilang ahensya ng gobyerno ng confidential and intelligence fund (CIF).
Sa darating na deliberasyon sa budget, sinabi ni Senator JV Ejercito na kanilang bubusisiin ang mga bagong ahensya na humihingi sa Kongreso ng CIF kabilang ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of Agriculture (DA).
Ayon kay Ejercito, kung ang DICT ay gagamitin ang confidential at intelligence fund sa paglaban sa cybercrime ay makatwiran din naman ito dahil sa naglipanang krimen na kinakaharap ng bansa gamit ang makabagong teknolohiya.
Inihalimbawa pa ng senador ang kanyang anak na nabiktima ng scammer at natangayan ng malaking halaga mula sa kanyang savings.
Sa pagdinig ng budget ay kukwestyunin ni Ejercito ang DA kung ang paghingi ng CIF ay para sa paglaban sa smuggling.
Magkagayunman, hindi kumbinsido ang senador na kailangan ng DA ng intel funds para labanan ang smuggling sa bansa dahil alam at kilala ng mga opisyal at tauhan ng DA kung sino ang smugglers at nagbubulagbulagan lamang ang mga ito.
Tatanungin din ng mambabatas ang Department of Education (DepEd) kung paano ginugol ang intel funds gayong sabi ng AFP ay humina na ang rebelyon at recruitment sa mga eskwelahan.