Itinanggi ng Department of Health (DOH) na overpriced ang binili nilang mga ambulansya maging ang mga gamit sa loob nito gaya ng automated external defibrillators (AEDs), mobile phones, dashboard cameras at stretchers.
Kasunod ito ng pahayag ni Sen. Panfilo Lacson sa Senate Blue Ribbon na ang biniling mga ambulansya ng DOH noong 2019 ay overpriced ng P1 million kada isa.
Giit ng DOH, ang binili nilang mga ambulansya ay mga high end o “Type 1,” na kinakailangan ng mga kagamitan para sa basic life support (BLS).
Kabilang anila sa medical equipment na kailangan sa mga “Type 1” ambulances ay iba sa regular na ambulansya o non-licensed Patient Transport Vehicles.
Ang “Type 1” ambulances ay mayroong “major equipment” standards na nakabatay sa Administrative Order 2018-0001.
Una nang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III sa pagdinig sa Senado na P245 million ang inilaan noong 2019 para sa 841 units ng ambulansya na ipinamahagi sa iba’t ibang ospital sa bansa.