MGA BAGONG DEPLOY NA GIP INTERNS, SUMAILALIM SA ORIENTASYON

Para lalong maimpormahan at mapaalalahanan ang mga benepisyaryo ng Government Internship Program o GIP ng Department of Labor and Employment (DOLE), sumailalim sa orientasyon ang nasa 482 na bagong GIP interns mula sa iba’t-ibang bayan at siyudad sa Isabela na isinagawa dito sa Lungsod ng Cauayan.

Mula sa nasabing bilang, 100 rito ay mula sa Cauayan City; 33 sa Reina Mercedes; 26 sa Cabatuan; tig-30 sa mga bayan ng Aurora, Luna, San Isidro, San Guillermo, San Mariano at San Mateo; sampu (10) sa Palanan; 85 sa Benito Soliven at 48 naman mula sa LPGMA Partylist.

Ayon kay Ralph Earl Wayne Domingo, GIP Focal Person ng DOLE Isabela Field Office, ang mga nakuhang GIP interns ay idineploy sa iba’t-ibang tanggapan ng ahensya ng pamahalaan sa lalawigan gaya sa LGU, Provincial Capitol, barangay hall, public schools and hospitals at sa iba pang NGAs.

Tatanggap ang mga ito ng P400 na sahod kada-araw at magtatrabaho mula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon.

Maaari din naman aniya silang mag-overtime sa trabaho basta may kautusan lamang mula sa kanilang immediate supervisor.

Sa pamamagitan din ng kanilang orientation ay higit na mapapahusay ang kanilang kakayahan para sa kanilang mas magandang pagsisilbi sa gobyerno.

Nagsimula ang kanilang kontrata ngayong buwan ng Nobyembre at matatapos hanggang sa katapusan ng Enero sa susunod na taon.

Hinihikayat naman ang mga GIP interns na ayusin ang kanilang trabaho at pinayuhang huwag limitahan ang mga trabahong maaaring gawin sa loob ng opisina.

Samantala, pasok din sa life insurance ang mga GIP interns na ibibigay ng GSIS kung sakali mang may mangyaring hindi maganda sa kanila habang sila ay nagtatrabaho.

Facebook Comments