Cauayan City, Isabela- Nadagdagan pa ang dating 24 na binabantayang mga barangay sa Lungsod ng Cauayan na nakitaan ng sakit ng baboy na African Swine Fever (ASF).
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Ronald Dalauidao, Veterinary head ng Cauayan City, batay sa kanilang pinakahuling monitoring ay nasa mahigit 34 na mga barangay ang kanilang nakitaan na may kumpirmadong kaso at suspect sa ASF.
Bukod dito ay may mga sumunod pa aniyang ulat ang kanilang natanggap mula sa iba pang barangay na posibleng naapektuhan din ng ASF.
Kanyang sinabi na mahirap nang kontrolin at mapigilan ang pagkalat ng sakit ng baboy lalo na’t may mga nagsasagawa pa rin ng ‘Uraga’ o nagkakatay sa kanilang mismong bahay.
Kaugnay nito, bumaba aniya sa halos 50 porsiyento ang production ng karne ng baboy sa Lungsod simula nang ipatigil ng ilang araw ang operasyon ng slaughter house dahil sa ginawang pag-clearing sa mga barangay na pinagkukuhanan ng baboy.
Nakatakda namang pulungin ng nasabing tanggapan ang mga backyard at hog raisers para mabigyan ang mga ito ng kaalaman at kung ano ang mga dapat gawin sakaling makumpirma na positibo sa ASF ang alagang baboy.
Inihayag din ni Dr. Dalauidao na kadalasan sa mga tinatamaan ng ASF ay ang mga buntis na baboy.
Ilan din sa mga palatandaan kung mayroong taglay na ASF ang isang baboy ay kung wala itong ganang kumain, nanghihina at namamatay na lamang pagkatapos ng 2 hanggang 7 araw.
Dagdag dito, target ng City Veterinary Office na maumpisahan na sa susunod na Linggo ang gagawing depopulation process o pagbaon sa mga alagang baboy na may ASF.