
Nagbabala ang Department of Energy (DOE) sa lahat ng mga kumpanya ng langis at mga gasolinahan na mahigpit na sundin ang itinakdang presyo.
Ito ay kasunod ng ilang ulat na may mga gasolinahan na nagtaas ng presyo ng kanilang petrolyo nang mas maaga sa tamang schedule ng price adjustment.
Ayon sa DOE, naglalaro lamang dapat sa P49 hanggang mahigit P76 ang presyo ng kada litro ng gasolina depende sa klase.
Habang P49 hanggang mahigit P66 naman ang itinakdang presyo sa diesel mula March 6 hanggang bukas, March 9.
Sa Kerosene naman, mahigit P78 hanggang mahigit P99 lang dapat presyo ng kada litro.
Hinimok din ni Energy Secretary Sharon Garin ang publiko na tumulong magreport ng mga naanamantalang gasolinahan lalo’t walang dapat maging taas presyo sa petrolyo hanggang sa Martes
Samantala, nagpaalala ang Energy Department laban sa hoarding at iligal na bentahan ng petrolyo na isang paglabag sa batas at maaari anilang maharap sa parusa o kanselasyon ng permit.
Sa ngayon ay pinaigting ang monitoring sa mga gasolinahan katuwang ang Department of the Interior and Local Government at Philippine National Police alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.










