Hindi makakaubra ang mga grupong magsasagawa ng kilos-protesta kaugnay sa gagawing canvassing of votes sa Senado at House of Representantives.
Ito ang tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Director for Operations Police Major General Valeriano de Leon.
Aniya, dapat na mayroong permit mula sa Local Government Units (LGUs) ang mga rally organizer dahil kung wala ay hindi papayagan ang mga itong magkilos-protesta.
May designated areas din aniya para sa mga magsasagawa ng kilos-protesta upang maiwasan ang pagkakagulo habang ginagawa ang canvassing votes sa Senado sa Pasay City at House of Representatives sa Quezon City.
Ngayong araw ay magsisimula ang canvassing of votes at inaasahan ng PNP ang ilang mga protesta dahil ayon sa ilang grupo may nangyaring dayaan sa nakalipas na halalan.
Para kay De Leon, dapat na maglabas ng ebidensya ang mga nagsasabing may dayaan sa nakalipas na halalan.
Tiniyak naman ni De Leon na may sapat na ang pwersa ng PNP na idineploy sa labas ng Senado at House of Representatives para matiyak na magiging payapa ang canvassing of votes.