Mga inarestong Chinese sa likod ng online porn service, naka Philippine flag jacket pa

Courtesy of South China Morning Post

Inaresto ng Chinese police ang nasa 20 katao na umano’y nagpapatakbo ng illegal live streaming ng pornographic content, ayon sa ulat ng South China Morning Post.

Ayon sa imbestigasyon ng Mancheng Police, na tumagal nang halos isang taon, isang lalaking may apelyidong ‘Hong’ at isang babaeng ‘Li’ ang apelyido, na umano’y huling dalawang suspek, ang nahuli sa Pilipinas noong April 26.

Sa larawang nai-publish, nakasuot ng jacket na may disenyong bandila ng Pilipinas ang dalawang naka-posas na suspek.


Pinatatakbo ng mga suspek ang live-streaming platform na “Huahua” na mayroong higit 900,000 registered users, na pinagkakitaan ng grupo ng halos 2.3 milyong dolyar sa loob ng limang buwan.

Matapos ianunsyo ng Chinese government ang kampanya kontra pornograpiya, nakatanggap umano ng report ang Mancheng Police na may namimigay ng QR codes sa mga group chat sa QQ, sikat na Chinese messaging app, para maidownload ang Huahua.

Base pa sa report, hindi magkakakilala ang mga miyembro ng grupo, isang paraan para iwasan ang atensyon ng pulisya.

Ilan sa mga ito ang nagrerecruit ng streamers, ang iba’y taga-promote ng app, at maraming beses ding pinapalitan ang itsura at servers ng app.

Matapos maunang naaresto ang 18 Chinese, lumipad sa South Korea at sa Pilipinas ang number 1 suspek na si Hong, at dito gumawa ng app na kagaya ng Huahua.

Napag-alaman ding may-ari ng kumpanyang nagdedevelop ng video games sa Shanghai ang nahuling suspek.

Facebook Comments