Wednesday, March 11, 2026

Mga indibidwal na nagkagulo sa Reception Action Center ng Manila DSW, ipinaaresto

Inaresto ang apat na indibidwal matapos ang naganap na kaguluhan sa loob ng reception area ng Action Center ng Manila Department of Social Welfare (MDSW).

Ayon kay MDSW Dir. Jay Reyes Dela Fuente, agad siyang nag-utos na hulihin ang mga sangkot sa gulo matapos makita ang video.

Sinabi ng opisyal na ang mga nag-away ay kabilang sa mga indibidwal na na-rescue mula sa lansangan at pansamantalang inilagay sa pasilidad.

Hindi umano mga menor de edad ang mga nasangkot sa gulo at ilan ay may mga tattoo na indikasyon na maaaring may kinabibilangang grupo.

Hinala ni Dir. Dela Fuente na nagkaroon ng alitan sa pagitan ng mga ito na nauwi sa suntukan at kaguluhan sa loob ng pasilidad, ngunit agad din naman itong naawat.

Dahil sa insidente, nasa apat na tauhan ng Action Center ang nasaktan kabilang ang isang household attendant, cook, security guard, at volunteer kung saan nasa maayos na ang kanilang kalagayan.

Facebook Comments