Cauayan City, Isabela- Umabot sa mahigit kumulang 1,500 na mga kabataan ang nagpakita ng interes na maging bahagi ng Philippine Army (Hukbong Katihan ng Pilipinas) sa katatapos na Armed forces of the Philippines Service Aptitude Test (AFPSAT) na isinagawa sa Cagayan at Isabela.
Sa ulat ng Division of Public Affairs Office ng 5ID, umabot sa 150 na kabataan ang sumailalim sa pagsusulit mula sa bayan ng Sanchez Mira habang 798 naman ang mula sa Tuguegarao City, Cagayan samantalang 510 naman ang mula sa Gamu, Isabela.
Ilan sa mga sumailalim sa eksaminasyon ay ang mga nais na mapabilang sa Officer Candidate Course (OCC) kung kaya’t prayoridad umano ang mga nakapagtapos ng pag-aaral para sa naturang kurso.
Dumaan rin sa masusing screening ang mga aplikante bago sumailalim sa AFPSAT test at batay sa datos nagmula ang mga aplikante sa iba’t ibang lugar sa rehiyon dos at Cordillera region.
Matatandaan na noong buwan ng Mayo nasa mahigit 1,000 aplikante ang sumubok na mapabilang sa hanay ng kasundaluhan kung saan 650 lang ang nakapasa sa ilalim ng Candidate Soldier Course Examination.