
Bentang-benta ngayon sa Dangwa Market ang mga kakaibang bouquet ng bulaklak ilang araw bago ang Valentine’s Day.
Ilan sa mga patok ay bouquet na may kasamang suka, suklay, at salamin na nagkakahalaga ng ₱450. Mayroon ding bouquet na may mga gamit para sa manicure at pedicure, pati rechargeable fan, na mabibili sa halagang ₱600.
Ayon sa ilang tindera, praktikal at memorable ang ganitong klase ng regalo dahil bukod sa bulaklak ay may dagdag na gamit na maaaring mapakinabangan sa araw-araw.
May mga ibinebenta ring bulaklak na gawa sa wire at strings para mas tumagal, na may presyong ₱150, ₱500, at ₱1,000 depende sa disenyo.
Ngayong bisperas ng Valentine’s Day, dagsa na ang mga mamimili sa Dangwa Market. Tumaas na rin ang presyo ng ilang bulaklak. Ang rosas ay nasa ₱100 hanggang ₱150 kada piraso, habang umaabot sa ₱1,000 pataas ang kada bouquet depende sa disenyo at mga kasama nito.
Ang sunflower ay nasa ₱150 kada piraso, at maaaring umabot sa ₱1,000 ang bouquet depende sa ayos. Ang tulips naman ay nasa ₱250 hanggang ₱300 kada piraso. Ang Ecuadorian roses ay nasa ₱250 kada isa, habang ang carnation ay nasa ₱500 ang isang bundle at ang China rose ay nasa ₱750 hanggang ₱1,000.










