Nagbabala si dating Philippine Medical Association (PMA) President Dr. Benito Atienza kaugnay sa patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue sa bansa.
Ito ay matapos makapagtala ang bansa ng halos 45,500 na dengue cases mula Enero 1 hanggang Hunyo 11 ngayong taon na mas mataas ng 45% noong 2021.
Ayon kay Dr. Atienza, dapat maging handa ang bansa sa pagtaas ng mga kaso ng dengue lalo pa’t nagkakaroon na ng dengue surge sa Ilocos region gayundin sa Metro Manila at Calabarzon.
Dapat na rin aniyang maalarma at magdoble ingat ang publiko dahil wala ng pinipiling edad ang dengue.
Patuloy naman pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang lahat na sundin ang 4S strategy na: search and destroy breeding places, secure self-protection, seek early consultation, at support fogging or spraying in hotspot areas.
Samantala, nagbabala rin si Atienza sa publiko laban sa mga water-borne diseases, influenza, at leptospirosis ngayong panahon ng tag-ulan.