Cauayan City, Isabela- Naiuwi na ngayong araw ang mga labi ng limang nasawing sundalo matapos ang engkwentro laban sa mga mahigit kumulang 70 na miyembro ng Abu Sayyaf kamakailan sa brgy Liang, Patikul, Sulu.
Pasado alas kwatro kaninang hapon nang mailapag sa Tactical Operations Group (TOG2) ang mga labi lulan ang C130 plane.
Pinangunahan ni Major General Perfecto Rimando Jr., Commanding General ng 5th Infantry Division, PA ang pagsalubong sa mga yumaong sundalo habang Emosyonal naman ang mga pamilya at kaanak ng mga nasawing militar nang makita ang mga kabaong ng mga ito.
Kinilala ang mga nasawing sundalo mula sa 41st Infantry Battalion, 5th ID, PA na sina Corporal Renhart Macad ng Tabuk City, Kalinga, Corporal Bryan Apalin ng Bangued, Abra, Corporal John Raphy Francisco ng Cagayan, Corporal Marlon Manuel ng Cauayan City, Isabela, at si Private First Class Jordan Labbutan ng Rizal, Kalinga.
Pinuri at sinaluduhan naman ni Major General Rimando Jr. ang limang sundalo dahil sa kanilang ipinakitang katapangan para sa bayan.
Samantala, dinala na sa pamunuan ng 5th ID ang mga labi ng limang nasawing sundalo at nakatakdang iuwi ng mga sariling kaanak bukas.