Tuesday, March 10, 2026

Mga magsasamantala sa oil crisis, haharap sa parusa — Malacañang

May babala ang Malacañang sa mga negosyong posibleng magsamantala sa gitna ng tensyon sa Middle East na maaaring makaapekto sa presyo ng langis.

Sa ambush interview sa New York, iginiit ni Palace Press Officer Claire Castro na maaaring kasuhan at patawan ng parusa ang mga mapapatunayang nang-aabuso, at posibleng mawalan pa ng karapatang magnegosyo.

Ayon kay Castro, malinaw ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magkaisa at magtulungan ang lahat sa halip na samantalahin ang sitwasyon.

Samantala, sinabi naman ni Castro na magsusumite ang Malacañang ng pormal na kahilingan sa Kongreso para sa posibleng emergency powers ni Pangulong Marcos kaugnay ng sitwasyon sa suplay at presyo ng langis.

Tinitignan din aniya ang posibilidad na mag-angkat ng langis ang Philippine National Oil Company (PNOC) bilang isa sa mga mungkahing hakbang ng pamahalaan sa gitna ng inaasahang pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Facebook Comments