Mga miyembro ng Bangsamoro Alliance for Good Governance, sumugod sa Comelec

Manila, Philippines – Muling nangalampag sa Comelec sa Intramuros, Maynila ang isang grupo ng mga Muslim na tumututol sa naging proklamasyon ng mga nanalong kandidato sa Lanao del Sur at sa Marawi City.

Dala ang kanilang mga placards at banderitas, nagprograma sa harap ng Comelec ang mga miyembro ng Bangsamoro Alliance for Good Governance.

Muling iginiit ng grupo sa Comelec na maideklara ang failure of election sa Lanao del Sur at Marawi City.


Iginiit din ng grupo na ipawalang bisa ang proclamation ng Provincial Board of Canvassers ng Lanao del Sur.

Nauna nang humirit sa Comelec si dating TESDA Director General Guiling Mamondiong na ma-disqualify sa pwesto ang bagong halal na gobernador ng Lanao del Sur dahil sa anya’y nangyaring malawakang dayaan sa nasabing mga lugar.

Ginamit na argumento ni Mamondiong ang sinasabing pre-shading ng mga balota na nakunan pa ng video at nag-viral sa social media gayundin ang anya’y pagkakaroon ng vote buying.

Facebook Comments