Cauayan City, Isabela- Nakatanggap ng gadgets mula sa Department of Trade and Industry (DTI) Isabela ang ilang Micro Small and Medium Enterprises (MSME’s) sa Lalawigan lalo na sa mga nasa malalayong lugar.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ms. Lenore Lee Lopez, Chief of Business Development Division ng DTI Isabela, mayroon aniyang ginagawang hakbang ngayon ang kanilang ahensya para sa mga MSME’s na lubhang naapektuhan ng pandemiya na dulot ng COVID-19.
Isinusulong na kasi aniya ngayon ng DTI ang pagnenegosyo online sa pamamagitan ng Webinar upang makasabay ang mga MSME’s ngayong may COVID-19 pandemic.
Kaugnay nito, hindi aniya maiwasan na magkaroon ng kaunting problema lalo na sa mga MSME’s na nasa liblib o malalayong lugar na hirap sa koneksyon ng internet at walang sapat na gamit para sa online.
Dahil dito, gumawa ng paraan ang DTI upang hindi maiwan ang mga maliliit na negosyo kaya’t binigyan ang mga ito ng libreng online business package na kinabibilangan ng cellphone, load at wifi connection para magamit sa pagpapalago ng kanilang negosyo.
Ayon pa kay Ms. Lopez, layon nito na matulungan at magabayan pa rin ang mga maliliit na negosyo sa Lalawigan sa kabila ng nararanasang pandemya.
Dagdag dito, hiniling din ni Ms. Lopez sa publiko na tangkilikin ang mga One Town One Product (OTOP) Hub at Pasalubong Centers sa Lalawigan upang matulungan din ang mga MSME’s sa kanilang negosyo.
Samantala, hinihikayat ang lahat ng mga online sellers na makibahagi sa gagawing webinar ng DTI Isabela sa darating na September 16, 2020 para magkaroon ng sapat na kaalaman kaugnay sa pagnenegosyo online.
Bukas lamang ang tanggapan DTI Isabela para sa lahat ng mga nais magpatulong.