Cauayan City, Isabela- Pinatitiyak ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary at Build Back Better Task Force Chairman, Roy A. Cimatu na agarang matulungan para sa mabilisang pagbangon ng mga pamilyang sinalanta ng severe flashfloods sa Cagayan Valley.
Isa ito sa kanyang sinabi at pinasisiguro sa ginawang pakikipagpulong sa mga punong ehekutibo at ilang ahensiya ng pamahalaan sa Rehiyon Dos na ginanap sa Lalawigan ng Cagayan.
Bilang bagong talagang Chairman ng nasabing Task Force na binuo ni President Rodrigo Duterte, tiniyak nito ang mabilis na pagbangon at agarang rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng mga kalamidad.
Iginiit din ni Sec. Cimatu na kailangang tutukan muna ngayon ang muling pagbangon ng mga mamamayan sa rehiyon na nasalanta ng baha bago tutukan ang mga solusyon at plano kung paano lulutasin ang ugat ng pagbaha sa buong Lambak Cagayan.
Tinukoy pa ng Kalihim na kailangan munang isantabi ang pulitika ngayong dumanas sa kalamidad ang rehiyon kung saan ipunto nito na kailangan munang i-prayoridad ang pagtutulungan upang muling makabangon ang mga nasalanta para sa kapakanan ng susunod na henerasyon.
Nagpapasalamat naman si Cagayan Governor Manuel N. Mamba sa Kalihim sa pagtugon nito sa epekto ng kalamidad na naranasan sa Rehiyon dos at umaasang tutulong ito sa paglutas sa dahilan ng pagbaha sa Lambak Cagayan lalo’t aniya, ang nangyaring malawakang pagbaha ay siyang pinakamalalang pagbaha na naranasan ng mga Cagayano mula noong taong 1975.