Cauayan City, Isabela- Nagpaalala ang Bureau of Internal Revenue (BIR) Isabela sa lahat ng mga nagnenegosyo sa Lalawigan na magprehistro sa kanilang tanggapan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ms. Elizabeth Soriano, Assistant Revenue District Officer ng BIR Isabela, nagsagawa aniya ng Tax Compliance Verification drive ang BIR Isabela sa mga business stablishment sa probinsya upang suriin kung sumusunod ang mga ito sa panuntunan at kung nakarehistro sa BIR.
Base aniya sa kanilang ginawang Tax Mapping sa Isabela, maraming nagnenegosyo ang sumusunod sa mga alituntunin ng BIR ngunit mayroon pa rin aniya ang mga hindi sumusunod o lumalabag dito.
Ayon naman kay Ms. Gladys Garcia, Chief Compliance Section, kanilang sinusuri ang mga nagnenegosyo kung nakarehistro ang mga ito sa BIR, may kumpletong dokumento, at kung nagbibigay ng resibo.
Paglilinaw pa nito na kinakailangan pa rin ng isang business stablishment ang magbigay ng resibo sa customer kahit hindi nito hinihingi o kinukuha dahil maaari aniyang makasuhan ang business owner kung hindi ito nagbibigay ng resibo.
Paalala naman sa lahat ng mga nagnenegosyo na magparehistro at sumunod sa mga alituntunin ng BIR upang maiwasan ang pagmumulta o anumang aberya.
Maaari din magsumbong sa tanggapan ng BIR ang sinuman kung may makitang establisyimento na nag -ooperate ng walang kaukulang dokumento mula sa nasabing ahensya.
Samantala, pinapaalalahanan ang lahat ng mga negosyo na mag-update ng registration ng book of accounts ngayong buwan, magsumite ng year end inventory hanggang January 31, 2021 at lahat ng VAT Tax payer ay kinakailangang magsumite ng quarterly summary of sales sa bawat quarter ngayong taon.