Nagturuan ang mga opisyal ng Department of Education (DepEd) matapos mabusisi kung bakit hindi inimbestigahan ng ahensya ang madalas na pag-award ng kontrata sa iisang supplier para sa suplay at delivery ng mga IT at computer requirements ng ahensya.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa overpriced laptops na binili ng DepEd sa pamamagitan ng Department of Budget and Management-Procurement Service (DBM-PS), nasita ni Senator Jinggoy Estrada ang madalas na paggawad ng kontrata sa Advance Solutions Inc. (ASI).
Sinabi ni Estrada na batay sa kaniyang mga nakuhang impormasyon, aabot na sa P6 billion na halaga ng kontrata ang nakuha ng ASI mula 2015.
Dito ay naitanong ni Estrada kina DepEd-ICT Services Dir. Abram Abanil at DepEd Dir. Marcelo Bragado kung ano ang kanilang ginawa at hindi nasilip ang tila favoritism sa ilang suppliers.
Tugon ni Abanil, wala aniya sa mandato ng kaniyang opisina na magsagawa ng imbestigasyon dahil puro engineers at “computer people” ang nasa kaniyang tanggapan dagdag pa na wala rin siyang hawak o alam sa mga naunang kontrata.
Itinuro naman ni Abanil ang opisina ni Bragado na aniya’y dapat nag-iimbestiga sa pagpabor sa ilang suppliers pero iginiit ni Bragado na nagkakamali si Abanil dahil hindi nila trabaho na paimbestigahan ang mga dating kontrata sa procurement ng mga computers.
Samantala, nangako naman si Commission on Audit (COA) Supervising Auditor Job Aguirre na sisilipin nila ang mga kontratang pinasok ng ASI sa DepEd.
Dismayado si Estrada dahil ‘red flag’ aniya na maituturing ang panay na paggawad ng kontrata sa iisang supplier gayong marami namang ibang suppliers na competent at kaya ring ibigay ang pangangailangan ng ahensya.
Maliban sa ASI, mula 2013 ay ilan pang suppliers ang naging suki na ng DepEd sa mga kontrata sa IT at computers tulad ng Columbia Technologies, Inc., Reddot Imaging Philippines, Inc., Techguru Inc. at Girltekki Inc.