Ayon kay Police Executive Master Sergeant Rosalyn Gretel Mallillin ng PNP Luna, kinakailangan aniyang mapalitan o ma-activate muli ang mga opisyal ng Municipal Advisory Council ng Luna dahil matagal na itong nabuo noon pang administrasyon ni Former President Rodrigo Duterte na kung saan ay marami na sa mga miyembro ang hindi na aktibo.
Sinabi pa ni PEMS Mallillin na malaking katuwang ng kapulisan ang mga iba’t-ibang stakeholders para maipaabot at maisakatuparan ang kanilang mga plano’t aktibidades sa mga mamamayan ng Luna.
Unang isinagawa ang election of officers sa mga iba’t-ibang dumalong stakeholders kung saan nanatili pa rin bilang Chairman ng Municipal Advisory Council si Sangguniang Bayan Member Jerry Jove Rivera at nagpahayag naman ito ng buong pagsuporta sa lahat ng mga proyekto ng kapulisan para sa ikabubuti ng buong bayan ng Luna.
Itinalaga naman bilang Vice Chairman ng MAC si Pastor Alvin Lopez na siya ring Municipal Chairman ng Luna Associations of Ministries and Pastors o LAMP kung saan palalakasin nito ang pagpapaabot ng mga salita ng Dios sa mga mamamayan ng Luna sa pamamagitan ng KASIMBAYANAN o Kapulisan, Simbahan at Pamayanan program ng PNP.
Magsisilbi namang MAC members ang mga nasa hanay ng Kagawaran ng Edukasyon, Barangay officials, SK at ng lokal na media.
Kaugnay nito, tututukan ng grupo ang pagsasagawa ng seminar sa mga kabataan sa paaralan para maturuan at maiiwas ang mga ito sa teenage pregnancy ganun na rin sa recruitment ng mga makakaliwang grupo.
Kasunod na rin ito ng mataas na kaso ng teenage pregnancy sa Isabela na dumami ngayong panahon ng pandemya.
Sa huling mensahe naman ni PMaj. Fresiel Dela Cruz, nagpapasalamat ito sa lahat ng mga dumalo at bumubuo ng municipal advisory council dahil ito aniya ang makakatulong sa kanila para sa makamit ang mas ligtas na pamumuhay, pagtatrabaho at pagnenegosyo ng mga mamamayan ng Luna.